PATAY ang isa sa dalawang holdaper ng pampasaherong bus nang kuyugin at pagtulungang bugbugin at saksakin ng mga tambay kagabi sa Pasay City.
Hindi na umabot nang buhay sa Pasay City General Hospital ang suspek na nakilalang si Ariel Chentes, 38 ng 34 Block 17 Saint Cecille St., Maricaban sanhi ng mga bugbog at tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito.
Sugatan din sa naturang insidente ang traffic enforcer ng Pasay Traffic Management Office na si Darvin Pasilona, 33 na nahagip ng bala sa kaliwang kamay matapos barilin ng nasawing suspek nang habulin ng nauna ang mga ito.
Sa imbestigasyon, alas-7:30 ng gabi nang maganap ang panghoholdap sa loob ng isang Express Bus na may biyaheng Gasat/Valino habang binabagtas ang kahabaan ng EDSA.
Ayon sa biktimang si Gen Aves, 21, ng Pedro Gil St., Sta. Ana, Manila, nagdeklara ng holdap ang nasawing suspek kasama ang isa pang hindi nakilalang holdaper kung saan tinangay nila ang pera at kagamitan nito gayundin ang ilang mga pasahero bago mabilis na bumaba upang tumakas.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa mga traffic enforcers kaya’t nagkaroon ng habulan hanggang tumulong ang ibang mga kalalakihan kung saan naabutan si Chentes kaya’t kinuyog ito at pinagsasaksak ng mga kalalakihan na nagresulta sa kamatayan nito.
Positibo namang kinilala ni Aves ang napatay na holdaper ngunit hindi na narekober ang bag nito na naglalaman ng cash at kanyang cellphone.
Kasalukuyang pinaghahanap pa ng pulisya ang nakatakas na kasamahan ng suspek.