TINIYAK ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. na hindi makaaapekto sa proklamasyon ng mga nanalong kandidato sa katatapos na May 13 midterm elections ang magiging resulta ng Random Manual Audit (RMA).
Ipinaliwanag ni Brillantes na malinaw naman itong nakasaad sa kanilang rules patungkol sa RMA.
Ayon kay Brillantes, ang layunin ng RMA ay matiyak ang accuracy ng ginawang pagbilang ng boto ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.
Aniya pa, sa ngayon ay mas nakatutok sila sa paghawak sa iba’t ibang protest cases na inihahain sa poll body, na sisimulan na nilang dinggin sa Hunyo 6.
Samantala, muli ring hinamon ni Brillantes ang kanilang mga kritiko na pangalanan ang mga lugar kung saan ang resulta ng halalan ay kwestyunable at nararapat buksan ang ballot boxes.
Inaasahan ding magsusumite ang Comelec ng kanilang report sa Kongreso at sa Pangulo kaugnay ng ginawang automated elections.
Paglilinaw pa ni Brillantes na wala silang anumang ispesyal na report na isusumite sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Matatandaan na una nang umapela ang CBCP sa Comelec na maglabas ng report kaugnay sa ginawang imbestigasyon sa mga iregularidad sa halalan.