HINAGISAN ng granada ang police station ng Fairview, Lagro Station 5 kaninang madaling-araw, Hunyo 3.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District, alas-3:00 ng madaling-araw kanina nang hagisan ng granada ang QCPD Station 5 Lagro police station.
Ayon kay QCPD District Director Senior Supt. Richard Albano, gusto muna nilang tapusin ang isinasagawang imbestigasyon bago maglabas ng konklusyon sa insidente.
Sinabi sa ulat na nabasag ang pintuang salamin ng Fairview police station 5 dahil sa inihagis na MK-2 fragmentation grenade na gumulong at pumasok sa mismong loob ng himpilan ng pulisya subalit suwerteng hindi sumabog.
Ayon sa QCPD, posibleng pananakot ang intensyon ng mga suspek sa ginawang paghahagis ng granada sa loob ng naturang police station.
Wala namang iniulat na nasaktan sa naturang insidente habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad.
Nauna rito, magugunitang nitong nakalipas na Linggo ay nadakip ng mga tauhan ng QCPD Station 5 Lagro police ang dalawang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na armado ng matataas na kalibre ng baril at suspek sa robbery holdup noong Mayo 23, 2013.