NAGKAPIT-BISIG ang Manila Water at Department Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) upang higit na mapaigting ang programang Toka Toka ng naturang kumpanya na magpapalawak sa kaalaman ng publiko tungkol sa tamang pamamahala ng nagamit ng tubig sa Metro Manila.
Sinabi ni Ferdinand dela Cruz , director ng Corporate Strategic Affairs Group ng Manila Water, 58 percent ng dumi sa mga kailugan ay buhat sa mga kabahayan kaya’t umaabot sa 330,000 toneladang basura ang napupunta sa mga ilog taun-taon kayat ang mga daluyang tubig sa Metro Manila ay maituturing ng ‘biologically dead’.
Binigyang diin ni dela Cruz na makatwiran ang ginawang pakikipagtulungan ng kumpanya sa DPWH dahil higit na maayos na maipatutupad ang mga programang mangangalaga sa ating kapaligiran.
Sa panig ng DPWH, sinabi ni DPWH-NCR Regional Director Rey Tagudando na handang tumulong ang ahensiya sa pamamagitan ng paglilinis ng estero sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila particular sa Estero de Gallina hanggang sa taong 2014 at pagkakaloob ng impormasyon tungkol sa Toka Toka sa lahat ng DPWH-NCR Divisions.