PATAY ang isang ina nang pagsasaksakin ng 15-anyos na anak na babae na kanyang pinigilang makipag-date sa Dreamland Subdivision, Barangay Pico, La Trinidad, Benguet.
Kinilala ang biktima na si Maria Rizza Cabautan, 44, namatay dahil sa malalalim na saksak sa tiyan at mga kagat sa mga kamay habang arestado naman ang menor-de-edad na suspek na itinago sa pangalang Janice.
Sa ulat, alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang makatanggap ng ulat ang pulisya kaugnay sa kaso ng pagpatay ng tinedyer sa sarili niyang ina.
Nabatid na nagtalo ang mag-ina bandang alas-9 ng gabi dahil nagpupumilit ang suspek na lumabas ng kanilang bahay para makipag-date sa boyfriend.
Sumiklab ang mainitang pagtatalo ng mag-ina na humantong sa pangangagat ng tinedyer sa kanang kamay ng ina at kumuha pa ng patalim saka sinaksak sa tiyan ang ina.
Nang mapatay ang ina ay itinuloy pa rin ng suspek ang pakikipagkita sa kanyang nobyo.