SASAMPAHAN muli ng Department of Justice (DOJ) ng dalawang kasong syndicated estafa ang Coco Rasuman Group sa Cagayan De Oro Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa pyramiding scam.
Sa 10-pahinang resolusyon na pirmado ni Prosecutor General Claro Arellano, nakitaan ng panel of prosecutors ng probable cause para sampahan ng kaso si Jachob Coco Rasuman at ilan pa sa pamilya Rasuman.
Ang unang kaso ay base sa reklamo ni Achmad Sangcaan, na naloko umano ng P5.13 million noong nakaraang taon ng Rasuman.
Kabilang sa pinakakasuhan ng DOJ ay sina Coco, Princess, Basher Jr., Basher Sr., Ema at Sultan Yahya Jerry Tomawis.
Kaugnay naman sa reklamo ni Naim Sampao, na naloko ng P14.3 million, ang ikalawang kasong syndicated estafa.
Maliban kay Ema, kasama sa mga pinakakasuhan dito ang mga nabanggit na miyembro ng pamilya Rasuman. Kabilang din sa kakasuhan ay sina Vice Mayor Maning Rasuman at Jerome Rasuman.