SUMISIGAW ngayon ng katarungan ang mga naulilang pamilya ng walong pulis na pinaslang matapos pasabugan ang landline at barilin sa Allacapan, Cagayan.
Ang mga nasawing miyembro ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF) ay kasalukuyang nakaburol sa chapel ng PNP Region 2 habang si PO2 Elmark Rodney Pinated ng Brgy. Poblacion, Lubuagan, Kalinga ay kinuha ang bangkay ng kanyang pamilya.
Sobrang sama ng loob at pagdadalamhati ni Mrs. Evelyn Panited, ina ng isa sa walong namatay na si PO2 Elmark, napakarahas aniya ang ginawa ng mga makakaliwang grupo sa mga pulis na magpapa-medical check-up lang sana sa Allacapan municipal police station kahapon ng umaga.
Inilarawan ni Mrs. Panited na isang mapagbigay na anak si PO2 Panited na bagong kasal sa kanyang maybahay na si Grace nito lamang nakalipas na Oktubre 2012.
Huli umano niya nakausap ang anak nang tinawagan siya sa pamamagitan ng cellphone para batiin siya sa kanyang kaarawan noong Mayo 20.
Si Panited ay limang taon pa lang sa serbisyo kung saan una siyang naitalaga sa Bangued, Abra bago sa Allacapan.
Ayon kay Mrs. Panited, nakumpirma nito ang malagim na sinapit ng anak na siyang nagmaneho sa sinakyang PNP mobile nang mangyari ang insidente sa pamamagitan ng kapatid ng kasamahan nito na nakatalaga rin sa PNP-SAF sa kalakhang Maynila.
Umaapela rin ang pamilya ng mga biktima sa mga NPA na itigil na ang mali nilang idolohiya dahil maraming inosente ang nadadamay.
Bukod sa walong namatay, pito pa ang nasugatan na nilalapatan ngayon ng lunas sa iba’t ibang pagamutan sa lalawigan dahil sa mga matitinding tinamong sugat nang tamaan ng shrapnels sa sumabog na landmine ang kanilang katawan.
Ang ilan sa mga ito ay halos maihiwalay ang ibang parte ng kanilang katawan.
Wala pang pag-amin ang makakaliwang pangkat pero sinasabing mula sa Benito Tesorio Command ng NPA ang mga umatakeng rebelde.
Hinigpitan naman ngayon ang seguridad sa lugar habang isinasagawa ang pagtugis sa mga nakatakas na NPA.