NAGKASUNDO ang National Bureau of Investigation at National Press Club of the Philippines na magsanib-puwersa para sa agarang ikalulutas ng media killings at para mapahusay ang pamamahayag sa bansa sa pamamagitan ng pagdakip sa mga nagpapanggap na “lehitimong” mamamahayag.
Isinagawa nina NBI director Nonnatus Caesar Rojas at NPC president Benny Antiporda ang kasunduan para sa naturang adhikain nang mag-courtesy call ang huli sa una noong nakaraang linggo.
Kasama ni Antiporda sa naturang pagdalaw kay Rojas si NPC director Paul Gutierrez.
Nabatid na ang pakikipagkasundo ng NPC sa NBI ay hiwalay sa kasunduan na nais isapormal ng press club sa Department of the Interior and Local Government at sa
Philippine National Police.
“All these efforts by the NPC is aimed at hastening the solution of work-related killings and harassments that continue to hound the members of the Philippine media,” pahayag ni Antiporda.
Sa naturang courtesy call, sinabi ni Rojas na isang karangalan ang pakikipag-usap sa kanya ng liderato ng NPC para isangguni ang iba’t ibang problemang kinahaharap ng mga mamamahayag at kung paano makatutulong ang NBI sa ikalulutas nito.
”The honor is mine for this visit and rest assured of the bureau’s full support to your endeavor to protect your members,” pahayag ni Rojas.
Sinabi naman ni Antiporda na makatitiyak si Rojas sa patas na pagtrato ng media at sa suporta ng NPC sa pagpapatupad ng kanyang reform program para sa NBI, ang nangungunang investigation agency sa ilalim ng Department of Justice.
Kapwa binigyan-pansin ng magkabilang panig na kabilang sa mga salik na nakasisira sa kredibilidad ng media at sa pagdami ng insidente ng pamamaslang sa media ang paglaganap ng mga pekeng indibidwal na nagpapanggap na miyembro ng press subalit hindi naman sumusunod sa “Journalist Code of Ethics.”
Kaugnay nito, sinabi ni Antiporda na laging nakahanda ang NPC na tumulong sa mga awtoridad at sa NBI sa paghuli sa mga peke at maging sa mga lehitimong mamamahayag na umaabuso sa kanilang propesyon sa pamamagitan ng pamba-blackmail at pangongotong.