KALUNOS–lunos ang kamatayang sinapit ng isang lalaking motorcycle rider makaraang magulungan ng isang rumaragsasang truck matapos sumemplang at malaglag sa motorsiklo sa Barangay Culiat kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din sa lugar ng insidente ang biktima na nakilala lamang sa pamamagitan ng nakuhang ID na si Teodoro Tenorio Jr., nasa hustong gulang, at residente sa No. 7 Sunny Ville 3 , Subdivision, Fortune , Marikina City bunga ng pagkalasog ng kanyang katawan.
Batay sa isinumiteng ulat ni Traffic Enforcer Crisanto Gragasin ng Quezon City District Traffic Sector 5, nangyari ang insidente pasado alas 11:30 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Luzon avenue, Brgy. Culiat sa harap ng Iglesia ni Cristo.
Ayon sa ilang nakasaksing tanod, bago ang insidente namataan nila na pagewang-gewang ang takbo ng motorsiklo na tila naka-inom ang nagmamaneho.
Ilang saglit lamang ay sumemplang umano ang minamaneho nitong motorsiklo bago nalaglag na tiyempo naman ang pagdaan ng isang humahagibis na truck at nahagip ang nakahandusay na biktima.
Ayon sa mga nakasaksi hindi na umano nila nakita ang hitsura ng truck gayundin ang plaka nito dahil mabilis na humarurot palayo.
May hinala ang mga awtoridad na maaring hindi umano napansin ng driver ng truck na nasagasaan niya ang biktima.