PINAL nang pinagtibay ng Court of Appeals ang pagsibak sa serbisyo ng napaslang na hostage-taker sa Quirino Grandstand noong 2010 na si Sr. Insp Rolando Del Rosario Mendoza dahil sa kasong grave misconduct.
Sa dalawang pahinang resolusyon na sinulat ni Associate Justice Francisco Acosta at sinang-ayunan ni Associate Justice Magdangal De Leon at Angelita Gacutan, ibinasura ng CA Former 13th Division ang motion for reconsideration na inihain ng grupo ni Mendoza gayundin nina Inspector Nelson Lagasca, SPO1 Nestor David, PO3 Wilson Gavino at PO2 Roderick Lopeña.
Nabigo raw kasi ang mga nasabing police officer na makapaglahad ng mga bagong argument at ang mga isyu na kanilang ipinunto sa kanilang mga mosyon ay natalakay na ng korte.
Kaugnay nito, sinang-ayunan ng Court of Appeals ang nauna nang kautusan ng Office of the Ombudsman na alisin sa PNP roster si Mendoza at ang mga tauhan nito.
Nag-ugat ang kaso nang hingan umano ng pera ng grupo ni Mendoza ang isang Christian Kalaw matapos itong mahuli dahil umano sa illegal parking, pagmamaneho nang walang driver’s license at paggamit umano ng iligal na droga.
Pero nang tumanggi umano si Kalaw na magbigay ng pera ay pinalunok umano siya ng sachet na may lamang shabu.
Matatandaan na ang pag-alma umano ni Mendoza sa February 16, 2009 decision ng Ombudsman na nag-uutos ng pagsibak niya sa serbisyo ang naging dahilan umano ni Mendoza kaya siya nang-hostage ng isang bus na may sakay na mga Hong Kong tourists noong Agosto ng taong 2010.