NALAPNOS ang katawan ng isang opisyal ng Philippine Armed Forces of the Philippines nang sumabog ang nakaimbak na World War II vintage bomb at masunog ang isang police-military camp sa Iloilo City kaninang madaling araw.
Isinugod sa Iloilo Doctors Hospital sanhi ng tinamong third degree burn sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Capt. Noel Friaz, nakatalaga sa Explosive Ordnance Division (EOD) ng AFP.
Nakaligtas naman ang ilan sa mga kasamahan ni Friaz nang makalabas agad sa nasusunog na opisina.
Sa ulat ni Western Visayas ppolice head Chief Supt. Agrimero Cruz Jr, naganap ang insidente dakong 3 ng madaling araw sa Explosive Ordnance Disposal Team (EODT) sa loob ng Camp Delgado sa Iloilo.
Ayon kay Cruz, bago ang insidente ay nakarinig muna ng isang malakas na pagsabog mula sa loob ng opisina ng EODT ng PA.
Sa lakas na pagsabog, nawasak aniya ang kisame ng nasabing opisina kasunod ng paglaki ng apoy.
Nasunog din ang satellite office ng Firearms and Explosives Office at ang Philippine National Police’s Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA). Nadamay din ang ilan sa mga behikulong nakaparada sa EODT office.
Ipina-cordone na ni Cruz ang nasunog na kahoy na gusali na itinayo noong pang 1950 dahil ang nasabing pagsabog ay isang indikasyon na may nakaimbak pang explosibo sa loob ng EOD.