NAPROKLAMA na kahapon ang mga alkalde ng lungsod na bahagi ng South District ng National Capital Region.
Dakong alas-12 ng tanghali, itinaas ng board of canvassers ang kamay ni mayor Jun-Jun Binay matapos manalong muli sa ikalawang termino bilang alkalde ng Makati. Panalo din ang kanyang kapatid na si Abigael Binay bilang kongresista sa ikalawang distrito.
Alas-8 ng umaga, naproklama si Atty. Jaime Fresnedi,na tumalo sa nakaupong mayor na si Aldrin San Pedro sa Muntinlupa City Hall People Center . Nakakuha ng boto si Fresnedi ng 87,811 kontra 83,061 boto ni San Pedro. Pasok naman sa kongreso si Cong. Rodolfo Biazon.
Alas -7 ng gabi, proklamado si Las Pinas Mayor Vergel Aguilar bilang Mayor habang kongresista si Mark Villar.
Di na rin napigil ang proklamasyon ni Edwin Olivarez bilang bagong mayor ng Paranaque sa botong 115,881 kontra 82,551 ni Banjo Bernabe. Bise naman si Jose Enrico Golez . Mauupo naman sa kongreso si Eric Olivarez sa unang distrito habang si Gustavo Tambunting sa ikalawang distrito kung saan tinalo niya si Joey Marquez. Panalo din sa konseho si Jason Webb, Alma Moreno at Rosselle Nava.
Inabot naman ng alas -12 ng madaling araw bago naiproklama ang alkalde ng Pasay na si Mayor Tony Calixto dahil sa petisyon ng katunggaling si Mayor Pewee Trinidad para sa suspensyon ng proklamasyon ng mananalong kandidato habang di pa natatapos ang bilangan.
Di naman pinagbigyan ang petisyon dahil nagpalabas ng resolusyon ang Board of Canvassers at Regional Director ng Comelec na hindi makaka-apekto ang resulta sa lamang ni Calixto na isang landslide victory.Nahalal naman muli sa kongreso si Cong. Emmie Calixto Rubiano.