MAAARING maiproklama na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong gabi (Miyerkules) ang 12 nanalong senador sa katatapos na May 13 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., target nilang maisagawa ang proklamasyon sa 12 winning senatoriables ganap na 7:00 ngayong gabi.
Gayunman, sakali aniyang hindi kayanin at may mga kulang na resulta ay posibleng 10 bagong senador lamang ang maiproklama nila.
Kaugnay nito, kahapon ng umaga ay nag-reconvene ang Comelec en banc bilang National Board of Canvassers (NBOC) upang simulan na ang pagta-tally ng mga election results.
Unang nag-convene ang NBOC nitong Lunes ng gabi matapos ang halalan upang mag-initialize ang Consolidated Canvassing System (CCS) na siyang tumatanggap ng mga election results mula sa mga Provincial Board of Canvassers (PBOC) sa buong bansa.
Kabuuang 36,772 voting centers sa buong bansa ang inaasahang magpapadala ng resulta ng botohan na isinagawa sa 77,829 clustered precincts.
Mahigit 52 milyon naman ang mga rehistradong botante ng Comelec bagamat sa pagtaya ni Brillantes ay maaaring 70% lamang sa mga ito ang bumoto sa eleksiyon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nakapagpadala na ng electronic Certificates of Canvass (COC) ang Guimaras na may 100,000 registered voters, at sumunod ang Paranaque, na may 277,000 botante.