KINONDENA ng Lakas-CMD ang naganap na panggigipit at manipulasyon na ipinakita ng gobyerno laban sa mga kandidato ng kalabang partido sa pamamagitan ng paggamit ng dahas sa Leyte at Cavite.
Sinabi ni Lakas President at Leyte Rep. Martin Romualdez na ang katatapos na halalan ay malinaw na pagpapakita ng manipulasyon sa panig ng administrasyong Aquino na taliwas sa ipinangangalandakang “tuwid na daan”.
Banggit ng kongresista na ito na ang pinaka-grabeng eleksyon na ginamitan ng pang-aabuso at pwersa ng administrasyong Aquino nang kasangkapanin nito diumano ang Philippine National Police sa Cavite laban sa pamilya ni Lakas-CMD Chairman Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
“As Lakas-CMD political party, we stand firm and united in condemning the recent incidents perpetrated by certain public agencies such as the PNP against the two stalwarts of our party, Sen. Bong Revilla and Congressman Ferdinand Martin Romualdez.”
Kabilang sa pang-aabuso ay ang pagpapakalat ng kaguluhan at kalituhan sa pamamagitan ng political propaganda, pagtatanim ng mga alegasyon sa halip na magbigay ng proteksyon sa mga Revilla.
Sa Leyte ay ginamit din umano ang mga tauhan ng PNP upang lumikha ng takot sa mga botante lalo na sa mga bayan ng Babatngon, San Miguel, at Tacloban.
Hawak na umano ng kampo ni Romualdez ang mga ebidensya kabilang ang mga saksi at video footages na magpapatunay na ineskortan pa ng kapulisan ang mga kandidato ng administrasyon hanggang sa laban mga presinto upang umano’y bumili ng boto.
Isang kapatid ng kandidato sa pagka-kongbresista ng Lakas-CMD sa Ormoc City ang ikinulong ng pulis na umano’y tao ng isang kandidato sa pagka-kongresista.
Ang nabanggit na pulis ay tinanggal na umano ng Comelec sa pwesto subalit sa halip na sumunod ay nagtayo ng checkpoint upang takutin at i-harass ang mga botante.
“Voters called the attention of the local COMELEC about these violations. The local election officers simply felt helpless because its own orders were left unheeded and abused. Elections have never been this worse in Leyte’s history. All types of political maneuvers have been utilized, and almost all types of election violations have been committed,” ayon kay Romualdez.
Giit pa ng kongresista na mananatili ang suporta ng partido sa liderato ng Lakas at umaasang sa huli ay lalabas din ang katotohanan.
“We firmly believe that justice will always prevail no matter how powerful our foes appear to be. We will always stand by our principles and we will never fail.”