ARESTADO ang dalawang miyembro ng Waray-Waray group sa isinagawang raid ng National Bureau of Investigation Anti-Organized Crime Division (NBI-AOCD) sa kanilang safehouse sa Barangay Manggahan Bukid Puno, Paranaque City.
Ang dalawang naaresto ay nakilala lamang sa alyas na “Boni” at Kayo Lungkop habang nakatakas naman si Noli del Monte, na pinaniniwalaang lider ng grupo na may warrant of arrest sa kasong frustrated murder sa Samar.
Ang mga suspek ay sangkot umano sa serye ng panghoholdap sa mga bangko at money changer at kaso ng pagpatay.
Ayon sa NBI, matagal nang isinailalim sa surveillance ang mga suspek .
Nakuha mula sa kanilang pag-iingat ang iba’t ibang uri ng mga armas, bala at granada, pati mga drug paraphernalia.
Naging basehan naman ng pagsalakay ang tatlong search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 22 Judge Marino dela Cruz.
Ang nasabing grupo din ang umano’y nasa likod ng panghoholdap sa Banco de Oro, Imus branch at sa isang money changer sa Metropoint Mall sa Pasay City.
Patuloy pa ring inaalam ang tunay na pangalan at iba pang kasong kinasasangkutan ng mga suspek.