TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na tatalima sila sa ipinalabas na status quo ante (SQA) order ng Korte Suprema na pumipigil sa pagpapatupad ng money ban kaugnay sa May 13 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., hindi na nila ipatutupad ang money ban na naglilimita sa cash withdrawals.
Sa kabila naman nito, naniniwala si Brillantes na posibleng naglabas ng SQA Order ang Supreme Court laban sa money ban nang hindi natalakay ng mga mahistrado ang kanilang inilabas na amendatory supplemental resolution dito.
“In the mean time, we will recognize the (TRO) SQA. But there was no mention of the supplemental resolution. We will not touch this anymore. We will not just implement it,” ani Brillantes.
Biyernes ng umaga nang magpalabas ang Korte Suprema ng SQA order laban sa Comelec Resolution 9688 o pagpapatupad ng “money ban” ngayong eleksyon na ang layunin ay upang maiwasan ang vote buying sa bansa.
Nakasaad sa dalawang pahinang resolusyong ipinalabas ni Chief Justice Lourdes Sereno, pinaburan ng Supreme Court ang petisyong inihain ng Bankers Association of the Philippines (BAP) nitong Huwebes na humihiling na ipatigil ang implementasyon ng money ban.
Sinabi ng grupo na hindi constitutional ang naturang hakbang ng poll body bukod pa sa pagharang sa kasiyahan ng isang indibidwal sa kanyang ari-arian at paglabag pa sa ipinatutupad nang batas tulad ng Secrecy Laws.
“A status quo ante order is hereby issued effective immediately and continuing until further orders from this court,” anunsiyo kahapon ni SC spokesperson Theodore Te.
Binigyan pa ng SC ang Comelec ng 10 araw para magkomento sa isyu.
Nakasaad sa money ban na ipinagbabawal ang pagwi-withdraw ng cash na P100,000 pataas sa loob ng isang araw lamang simula Mayo 8 hanggang sa election day sa Mayo 13.
Una nang umani ng batikos ang resolusyon ng Comelec sa pagsasabing hindi napag-isipan ang epekto nito sa ekonomiya at negosyo sa bansa bukod pa sa legalidad at hurisdiksyon ng poll body sa isyu ng pananalapi.
Inaksyunan naman ng Comelec ang mga batikos at inamyendahan ang resolusyon na hindi na rin nito naipatupad matapos na harangin ng mataas na tribunal.