PORMAL nang nai-turn over sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang 2013 source code o ang human readable instructions ng precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa nalalapit na May 13 midterm elections sa bansa.
Kasabay nito, inianunsiyo ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na maaari nang rebyuhin ng mga interesadong partido ang naturang source code.
Sa isang press conference kahapon ng umaga ay pormal nang iniabot ng mga kinatawan ng Dominion Voting Systems Inc. at Systest Labs Inc. (SLI) Global Solutions kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., ang compact disc (CD) na naglalaman ng source code.
Ang naturang CD ay may label ng SLI Global Solutions – Dominion Source Code at may nakalagay na confidential.
Halata naman ang katuwaan ni Brillantes sa bagong kaganapan at todo ang ngiti nito nang sa wakas ay mahawakan na ang CD ng source code.
“We are prepared to come out with the source code in the open and all interested parties will now be allowed to review it,” ayon pa kay Brillantes sa presentasyon ng source code.
Laking pasalamat din ng poll chief sa Dominion at sa Smartmatic dahil sa kabila ng kanilang legal dispute sa Estados Unidos ay nagkasundo ang mga ito na dalhin na ang source code sa Pilipinas upang hindi magka-problema ang halalan.
“We owe it to Smartmatic and Dominion. They do not want that the elections in this country on May 13 will have some taint of vagueness or lack of credibility,” ani Brillantes.
Matapos ang turnover ceremony ay kaagad na dinala ng mga opisyal ang source code sa tanggapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang ilagak doon tulad nang ginawa sa 2010 source code.
Nauna rito, naantala ang release at review ng source code dahil sa legal dispute sa pagitan ng may-ari nito na Dominion Voting Systems Inc, at ng Smartmatic, na siyang contractor naman ng Comelec para sa automated elections system.
Tumatanggi kasi ang Dominion na i-release ang source code na hawak ng SLI Global Solutions na siyang sumuri at nagsertipikang accurate ito, dahil ayaw umanong magbayad ng Smartmatic ng $10 milyon sa kanila para sa paggamit nito ng kanilang teknolohiya.
Nitong Lunes lamang nang ianunsiyo ni Brillantes na pumayag na ang Dominion na i-release ang source code at Martes ng gabi nang dumating sa bansa ang mga kinatawan nito sa pangunguna ni Engineering Manager Reed Bodwell, dala ang “master” source code.
Kasama ng Dominion ang mga kinatawan ng SLI Global Solutions, sa pangunguna ni Senior Test Manager Michael Santos, na siya namang may dala ng source na ni-review nila may ilang buwan na ang nakakaraan.