MALOLOS, Bulacan – Bukas na ang scholarship program ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga anak ng empleyado ng gobyerno.
Isa ito sa mga magandang balitang inanunsyo ni GSIS President Robert Vergara sa katatapos lamang na Dialogue with Stakeholders and Pensioners sa St. Agatha Resort Tikay, Malolos, Bulacan.
May 200 scholarship grants na naghihintay para sa mga anak ng mga kuwalipikadong miyembro. Hanggang P20,000 naman ang sasagutin ng GSIS bilang pambayad sa tuition at may kasama pang P2,000 buwanang allowance.
Para makakuha ng nasabing scholarship, sinabi ni Vergara na ang kawani ay dapat may tatlong taon nang naninilbihan sa pamahalaan, may anak na papasok sa kolehiyo ngayon taong 2013-2014, nakapaghulog ng tamang premium contributions sa huling anim na buwan at may salary grade na 24 o mas mababa pa.
Ang GSIS ay isang ahensya ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas na namamahala ng mga seguro ng mga naglilingkod sa pamahalaan.
Nilikha ito ng Batas Komonwelt Blg. 186 na ipinasa noong Nobyembre 14, 1936 na inatasang magkaloob at mamahala sa mga sumusunod na benepisyong segurong panlipunan para sa mga manggagawa sa pamahalaan: sapilitang pagkakaroon ng seguro, di-sapilitang pagkakaroon ng seguro, mga benepisyo ng pagreretiro, mga benepisyong pangkapansanan para sa pasumala na may kaugnayan sa hanapbuhay at mga benepisyo ng mga namatay.
Bukod pa rito, ipinagkakatiwala sa GSIS ang pamamahala sa Pangkalahatang Pondo sa Seguro mula sa kabutihang-loob ng Batas Republika Blg. 656, na kinikilalang Batas sa Segurong Pang-ari-arian. Nagkakaloob ito ng sakop na seguro sa mga pag-aari at mga ari-arian na may malasegurong interes mula sa pamahalaan.