INILABAS ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng mga public officials na binigyan nila ng gun ban exemptions, kasunod nang pagpapatupad ng 120-day election gun ban sa bansa simula BUKAS.
Alinsunod sa Comelec amended resolution, kasama sa mga papayagang makapagdala ng baril sa panahon ng election period ay ang Bise Presidente ng bansa, mga senador na hindi tatakbo sa darating na halalan at mga myembro ng gabinete.
Exempted rin mga regular na opisyal, miyembro at ahente ng mga law enforcement o security agency kabilang ang Bureau of Corrections (BuCor), Department of Justice, Provincial at City Jails.
Maging ang Commissioner at Deputy Commissioners, Law at Investigation Division at Intelligence Division ng Bureau of Immigration ay exempted rin, gayundin ang Secretary, Undersecretaries, Assistant Secretaries at Internal Security ng Office of the Secretary ng Department of Interior and Local Government.
Maaari ring magdala ng baril ang Secretary, Undersecretaries, Assistant Secretaries, Prosecutor-General, Chief State Prosecutor, at State, Regional, Provincial at City Prosecutors ng Department of Justice sa panahon ng pag-iral ng total gun ban, gayundin ang Solicitor-General, Ombudsman, Deputy Ombudsman at mga imbestigador at Prosecutors ng Office of the Ombudsman.
Ang Chairmen at Commissioners ng Constitutional Commissions; Chairperson at Commissioners ng Commission on Human Rights, at Chief Public Attorney, ay isinama sa gun ban exemptions.
Matatandaan na kasama sa una ng sinabi ng Comelec na awtomatikong exempted sa gun ban ang Pangulo ng bansa, mga myembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Ang implementasyon ng gun ban ay epektibo simula ngayong araw at tatagal hanggang Hunyo 12.