KUNG noon ay nasa spotlight ang dating NBA star na si Allen Iverson, ngayon ay tila nasa madalim na bahagi siya ng kanyang buhay matapos iwanan ang basketball career sa NBA.
Kumakalat sa iba’t ibang online site na naghihirap na ngayon ang dating star player ng Philadelphia 76ers.
“I can’t afford a cheeseburger.” pag-amin ng noon ay sikat na basketbolista sa kanyang dating asawa na si Tawanna na binigyan naman siya ng $61.
Noong kasagsagan ng career ni Iverson ay sumasahod siya ng mahigit $150 million. Bukod pa rito ang kinikita sa mga produkto na kanyang iniendorso.
Sinabi ni Iverson na hindi siya bitter sa mga nangyayari sa kanya ngayon ngunit sinabi na kung mabibigyan siya ng pagkakataon na makapaglaro muli sa NBA ay hindi niya ito palalampasin.
“Now, if I get a chance to play again. I would love the opportunity.”
Magugunitang, tatlong taon na ang nakalilipas magmula nang iwanan ni Iverson ang kanyang basketball career sa NBA.
Noong 1996-1997 season ng NBA ay itinanghal na Rookie of the Year si Iverson.
Taong 2001 at 2005 naman nang hirangin siyang NBA All-Star MVP.
Napili rin siya bilang fifth greatest NBA shooting guard of all time ng ESPN noong 2008.
Bukod sa 76ers, naglaro rin si Iverson sa Denver Nuggets, Detroit Pistons at Memphis Grizzlies.