PINALAGAN ng Volunteers Against Crime and Corruption ang probisyon sa resolusyon ng Commission on Election na nagtatanggal ng karapatan sa mga sibilyan na humingi ng exemption sa total gun ban na ipaiiral ng Comelec bukas Enero 13.
Partikular na tinutuligsa ng kampo ng VACC ang Comelec resolution 9561 kunsaan nakatakda na hindi na maaaring maghain ng application for gun ban exemptions ang mga sibilyan.
Maging ang pag-recall o pagtatanggal sa kanilang mga security personnel na nagmumula sa PNP Police Security and Protection Group o PSPG ay inalmahan din ng nasabing grupo.
Nabatid na tatlong beses umanong nagtungo sa tanggapan ng Comelec ang mga opisyal ng VACC upang hilingin kay Chairman Sixto Brillantes Jr na bigyan sila ng gun ban exemptions upang makapagdala ng araw sa labas ng kanilang mga tahanan.
Gayunman, tatlong beses din anila silang tinanggihan ng poll chief at hindi man lang umano tinanggap ang kanilang mga application.
Kaugnay nito, iginiit ng VACC na sa ginawa ng Comelec ay mistula silang inilantad sa kanilang mga kalaban lalo pa at mga high profile ang mga kasong kanilang pinaglalaban.
Ayon naman kay Mr. Boy Evanghelista, ama ng pinaslang na car dealer na si Venzon, nangangamba na siya ngayon sa kanyang buhay dahil ang kanyang mga security escort ay tinanggal na ng Comelec.
Kung hindi, aniya, siya bibigyan ng gun ban exemptions ay easy target na lamang siya ngayon ng sindikato ng Dominguez brothers carnapping group.
Ngunit inamin ni G. Evanghelista na namili na sila ng maraming reading materials kasama na ang Bible at mga pagkain bilang paghahanda sakaling hindi na magbago ng isip ang Comelec at hindi na sila bigyan ng gun ban exemptions.
Magtatago na lamang, aniya, sila sa isang solitary confinement o kaya sa mismong tanggapan ng Comelec dahil duon sila ay nakatitiyak ng kaligtasan.