IPINASISIBAK ni acting Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Bucayu ang custodial officer ng Minimum Security Camp ng National Bilibid Prison (NBP) makaraang matakasan ng preso noong Biyernes.
Inatasan ni Bucayu si NBP OIC Supt. Fajardo Linsangan na sibakin na sa puwesto si Alfredo Devaras, Jr, OIC ng Minimum Security Camp kasabay ng direktiba ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa nakatakas na bilanggo.
Ang kautusan ni Bucayu ay nag-ugat makaraang makatakas ang bilanggong si Jomarie Fortuna matapos makaakyat sa pader ng minimum security compound alas-11:30 ng gabi ng hindi man lamang namalayan ng mga jail guard.
Ayon kay Bucayo, dahil sa sunod-sunod na pagkakatakas ng mga bilanggo, magsasagawa siya ng malawakang balasahan sa mga custodial officers ng NBP upang hindi na muling maulit ang sunod-sunod na pagtakas.
Napag-alaman na bukod kay Fortuna, naunang nakatakas sa compound ng NBP sina Jovanie Misa na nakatakas noong Marso 19 at Eduardo Brosas na nakapuga noong Marso 22, samantalang ang mga bilanggo mula sa Davao Prison Farm na sina Junlee Villaren ay nakatakas noong Marso 19 subalit nadakip kaagad makaraan ang dalawang araw at Bryan Servano na pumuga naman noong Marso 23.
Nasa ilalim ng kapangyarihan ni Bucayu, bilang acting BuCor director ang pitong penal colonies sa bansa kabilang ang NBP sa Muntinlupa City, and Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City at ang isa ay sa Mindanao, Panabo, Davao; Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City,Palawan; Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte at Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao.