NAGBABALA ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante at overseas Filipino workers (OFWs) na makipagtransaksiyon lamang sa mga accredited freight forwarders ng Philippine Shippers Bureau kung sila ay magpapadala ng kanilang mga bagahe para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ang naturang babala ay inihayag ng DTI makaraang makatanggap ng kaliwa’t kanang reklamo mula sa publiko dahil sa mga freight forwarder sa bansa na bigong maipadala ang balikbayan boxes ng kanilang mga kliyente.
Ayon kay DTI Undersecretary Zenaida Maglaya, mapagkakatiwalaan at sumusunod sa standard ng gobyerno ang mga freight forwarder na kinikilala ng kanilang ahensiya dahil nagpapatupad ang mga ito ng code of ethics upang pangalagaan ang kanilang kumpanya at handang magbigay ng insurance coverage sakaling magkaroon ng problema o aberya sa mga ipinadalang packages ng kanilang kliyente.
Umabot na sa mahigit 150 reklamo ang natanggap ng ahensiya dahil sa hindi maayos na serbisyo ng ilang feight forwarder firm na naging sanhi ng pagkabahala ng naturang tanggapan.
Nanawagan ang ahensiya sa publiko na bumisita sa website ng DTI na www.dti.gov.ph para malaman ang accredited freight forwarding companies.
Maaari rin tumawag sa DTI direct hotline 751-33-30 para sa kanilang reklamo.