NGAYON pa lamang ay may 889 munisipalidad na sa bansa ang kabilang sa election watchlist area ng Philippine National Police (PNP).
Sa isinagawang command conference nitong Biyernes ng Commission on Elections (Comelec), PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Education (DepEd), sinabi rin ni P/Senior Supt. Nestor Bergonia, miyembro ng PNP Task Force 2013, na inaasahan nilang madaragdagan pa ang naturang bilang ng mga lugar na kanilang binabantayan habang papalapit ang araw ng halalan sa Mayo 13.
Samantala, bukod dito, binabantayan rin ng PNP ang apat na organized crime groups na mayroong 128 miyembro, at 260 criminal gang kung saan ang 73 ay sangkot sa gun for hire activities.
Minumonitor rin umano nila ang mga aktibidad ng New People’s Army na may 4,300 miyembro, 52 aktibong private armies at 128 pang potensyal na private armies sa bansa, na maaaring kuhanin ang serbisyo para sa darating na halalan.
Samantala, sa panig naman ni Comelec Commissioner Elias Yusoph, chairperson ng Gun ban Committee ng poll body, na naglaan sila ng P770 milyong budget para sa AFP at PNP para sa darating na halalan.
Nabatid na ang unang bugso ng pondo ay ilalabas ng poll body sa Marso.