NAGTAMO ng isang tama ng saksak ng patalim sa hita ang isang lady cop, matapos makipagbuno sa nagsosolong holdaper sa loob ng pampasaherong jeep sa Sampaloc, Manila kaninang umaga.
Dahil sa pakikipagtulungan ng ilang tambay, nadakip ang suspek na si Christopher Birane, 34, ng Sagisulan St. Punta, Sta. Ana, Manila, matapos maagaw ang patalim at madaplisan sa katawan mula sa babaeng pulis na si PO2 Edlyn Arbo, nakatalaga sa Manila Police District-Sampaloc Police Station 4.
Sa natanggap na ulat, alas 6:30 ng umaga, isa si PO2 Arbo sa lulan ng pampasaherong jeep para mag-duty sa nasabing himpilan ng pulisya nang pagsapit sa harap ng Arellano University sa Ramon Magsaysay Boulevard, sakop ng Sampaloc, nang magdeklara ng holdap ang suspek.
Dahil nakasibilyan lamang si PO2 Arbo at walang dalang baril, nagawa pa nitong makipambuno sa suspek kaya siya nasaksak sa hita.
Sa puntong ito, naagaw ng lady cop ang patalim na ginamit ng suspek, hanggang sa magpambuno ang dalawa na nakatawag pansin sa mga tambay sa lugar kaya nadakip ang holdaper.