SUGAT sa kamay ang inabot ng isang dalaga nang salagin nito ang kutsilyong isasaksak sa sarili ng kanyang nobyong magpapakamatay sa Ilocos Sur, kaninang umaga (Marso 28)
Isinugod naman agad sa ospital sanhi ng malalim na saksak sa kanang palad ang biktimang si Charmagne Tabalan, 21-anyos residente ng Barangay Sto Domingo, Vigan City.
Pansamantalang nakapiit naman sa PNP Vigan ang suspek na si Tristan Laykanga, 18-anyos ng Barangay Nambaran, Vigan City at hinihinatay na lamang na magsampa ng kaukulang kaso ang biktima.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas 10:30 ng umaga sa isang parte ng Delos Reyes St., sa Barangay 5, Vigan City, Ilocos Sur.
Bago ito, nakipagkita sa lugar ang biktima sa suspek para makipagkalas pero hindi pumayag ang naturang binata kaya nagbanta itong magsasaksak sa sarili.
Sa pag-aakalang nagbibiro lamang, binalewala ni Tabalan ang banta pero nang ilabas ng binata ang balisong at akmang sasaksakin ang sarili ay sinalag ng dalaga ang saksak kaya tinamaan ang palad nito.
Sa pagresponde ng mga pulis, narekober malapit sa crime scene ang Batangas knife stainless at homemade paltik na may tatlong bala.