KULUNGAN ang binagsakan ng isang dating import ng team Rain or Shine ng Philippine Basketball Association makaraang ireklamo ng pananapak sa isang pulis sa Quezon City kaninang umaga, Marso 27, 2013.
Napilitang ikulong ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 10 Kamuning ang dating PBA player na si Jamelle Cornley dahil sa pagwawala matapos suntukin ang isa sa umaarestong pulis.
Ginagamot pa sa East Avenue Medical Center ang biktimang si PO2 Anselmo Lazatin dahil sa pinsalang tinamo sa kanyang likuran matapos suntukin ni Cornley.
Ayon sa ulat ng QCPD station 10 Kamuning pasado 9:00 ng umaga kanina ng makatanggap ng tawag ang mga pulis hinggil sa pagwawala at pagbabasag ng gamit ni Cornley sa loob ng Sir Williams hotel sa Timog avenue, QC kung saan siya nakacheck-in kasama ng tatlong babae.
Inireklamo si Cornley ng management ng hotel matapos magwala makaraang mawala ang kanyang wallet na naglalaman ng $1,400, mga ID at mahahalagang dokumento.
Dumating ang grupo ni PO2 Lazatin upang payapain si Cornley pero nagpumiglas ito bago sinuntok ang nasabing pulis kung kaya siya binitbit ng mga pulis bago ikinulong.
Tinanggihan naman ni Supt, Marcelino Pedrozo , hepe ng Station 10 na kausapin si Cornley dahil inihahanda na nilang sampahan ng kasong direct assault ang nasabing player at pinag-aaralan pa kung isasama nila ang kasong alarm and scandal na isasampa rin sa dating import player .
Nabatid na kagagaling lang ni Cornley sa isang KTV bar sa Timog at may kasama itong tatlong babae nang mag-check in sa nasabing hotel ngunit nadiskubre niyang nawawala ang kanyang mga personal na kagamitan nang magsialisan na ang hindi nakikilalang mga babae.
Si Cornley na may taas na 6’5” ay dating player ng Rain or Shine na nagdala sa kampeonato nito sa Governors cup noong isang taon at nahirang na Best Import ng naturang Conference.