NAGPAHAYAG na ang mga pamunuan ng Catholic school sa bansa sa posibleng pagbabawas ng kanilang mga empleyado.
Kaugnay ito ng pangamba ng pagkalugi ng mga pinuno ng nasabing paaralan, dahil sa pagpapatupad ng K + 12 program ng pamahalaan bilang basic education curriculum.
Ayon kay Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) President Fr. Gregorio Bañaga, simula taong 2017, babagsak ang bilang mga mag-eenroll sa first year at second year level dahil sa dagdag ng dalawang taon sa high school.
Dahil dito, maraming mga guro sa pribadong paaralan ang posibleng matanggal sa kanilang trabaho dahil bukod sa wala silang tuturuan, malulugi rin ang mga eskwelahan.
Dagdag pa ni Bañaga, hindi rin kayang pasanin ng mga paaralan ng matagal ang pagpapasahod sa mga guro lalo na’t sampung taon ang tantiya nila sa magiging epekto ng K+12.
Sa ngayon ay naghahanap ng mga solusyon ang CEAP para manatili ang kanilang mga guro.