PINANGALANAN ng Department of Justice (DOJ) ang panel members na hahawak sa ‘Atimonan rubout’ na naganap noong Pebrero 6.
Sa nilagdaang office order na may petsang Marso 11, 2013 ni Prosecutor General Claro Arellano, kabilang sa mga bumubuo ng investigating panel ay sina Senior deputy state prosecutor Theodore Villanueva, Asst. State Prosecutor Hazel Valdez, Chairman City Prosecutor Vimar Barcellano, Asst. State Prosecutor Niven Canlapan at Prosecution Atty. Cesar Angelo Chavez III.
Magsisilbi namang miyembro ng support team sa preliminary investigation sina Asst. State Prosecutor Jinky Dedumo at Asst. State Prosecutor Katheryn May Rojas; Asst. State Prosecutor Mari Elvira Herrera.
Ang pagbuo ng support team ay agad na ipinag-utos ni Arellano na siyang makakatuwang ng mga nabanggit na investigating panel para sa pagbalangkas ng status report.
Kasabay nito, tiniyak ng DOJ na magiging patas sa paghawak ng kasong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa PNP at AFP na sangkot sa Atimonan, Quezon rubout.
Ayon kay Arellano, ibabase nila ang resolusyon batay sa ebidensyang hawak ng tanggapan.
Kanila rin, anilang, susundin ang 60 araw na itinakda para sa isasagawang preliminary investigation.
Matatandaan na ang kasong multiple murder laban sa 14 na miyembro ng PNP at 11 miyembro ng AFP ay pormal nang isinampa ng NBI at nang kaanak ng mga biktima.
Kinasuhan din ng obstruction of justice ang ilang pulis dahil sa pagta-tamper ng ebidensya.