SUGATAN ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang lalaki na nambabarat ng presyo ng bisekleta sa Caloocan City Sabado ng umaga.
Kapwa ginagamot sa Tala Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan sina Wendel Zabate, 39 ng MRH bldg., Malaria at Jose Sonny Delos Santos, 26, ng Sta. Rita, Tala kapwa ng lungsod.
Base sa ulat, dakong alas-11:30 ng umaga, nagpunta ang suspek sa tindahan ng bisekleta ng mga biktima at nagtanong ng presyo.
Nang sabihin ni Zabate ang presyo ay namahalan ang suspek na naging dahilan upang tumawad subalit hindi nagkasundo na nauwi sa pagtatalo.
Umalis ang suspek na nagbabanta at makalipas ang ilang sandali ay nagbalik at walang salitang pinaputukan ang mga biktima. Tumakas ang suspek sakay ng motorsiklong dala ng kasama hindi na nakuha ang plaka.
Inaalam na ng mga pulis kung sino ang suspek at kasama nito.