PANSAMANTALANG mamamalagi pa rin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) detention cell ang modelong si Deniece Cornejo.
Ito’y dahil nakatakda pang dinggin ang mosyon ng 22-anyos na si Cornejo sa Agusto 13 kaugnay sa hirit nitong huwag mailipat sa Taguig City Jail.
May kaugnayan ito sa kasong serious illegal detention at grave coercion na kinakaharap ni Deniece sanhi ng pambubugbog sa TV host-actor na si Vhong Navarro.
Sinabi naman ng abogado ni Cornejo na si Atty. Ferdinand Topacio, na hindi niya papayagan na makulong ang kanyang kliyente sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
May mga solid fans aniya si Navarro na posibleng buwelatahan si Deniece kaya lubhang mapanganib ito para sa buhay ng kanyang kliyente.
Dagdag pa ng abogado, na hindi pa naman preso si Cornejo dahil hindi pa ito nahahatulan kaya maituturing pa itong inosente at hindi pa dapat ikulong sa karaniwang kulungan.
Pinasinugalingan naman agad ni Atty. Topacio ang balitang may special treatment si Cornejo habang nasa kustodiya ng CIDG. Robert C. Ticzon