HINAMON ng Coalition of Filipino Consumers si Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima na ilabas ang kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
Sinabi ni Perfecto Tagalog, secretary general ng grupo, na layon nilang malaman kung pag-aari at kung idinedeklara ng PNP chief ang mga mamahaling condominium units at bahay na natuklasan nilang nakapangalan dito.
“Ang amin pong nais ipakita [ni] PNP Chief Purisima ay itong kanyang SALN dahil base po sa aming mga nakuhang dokumento ay mayroon po siyang hindi ine-explain.”
“Simula nung nakaupo po siya, matagal na po kaming humihingi ng kopya pero binabalewala po ang aming requests,” dagdag ni Tagalog.
Kabilang aniya sa mga kwestyunableng ari-arian ni Purisima ang condo units nito sa Bellagio sa Bonifacio Global City at The Columns sa Makati City; penthouse sa Gramercy Residences Makati, at dalawang resthouse sa Nueva Ecija.
Bilang patunay, ipinakita pa ni Tagalog ang ilan sa mga larawan ng mga umano’y ari-arian ng PNP chief.
Bukod sa SALN, inihirit pa ng koalisyon sa Ombudsman na isailalim sa lifestyle check si Purisima para sa lalong madaling panahon ay magkaalaman na kung ano ang totoo.
Una nang itinanggi na ng PNP ang alegasyong hindi nagsusumite ng SALN ang kanilang pinuno. Robert C. Ticzon