HINIMOK ng World Bank ang gobyerno ng Pilipinas na tapyasan ang income tax rates at itaas ang tax base sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga hindi kailangang incentives.
Ayon kay World Bank Philippines Senior country Economist Karl Kendrick Chua, dapat ibaba ng gobyerno sa 25% ang corporate tax rate mula sa kasalukuyang 30%.
Dapat din aniyang ibaba sa 25% cap ang personal income tax mula sa kasalukuyang 32%.
Naniniwala naman ang World Bank na ang kasalukuyang tax system ng bansa ay pabor lamang sa malalaking negosyo.
Inirekomenda rin ni Chua sa gobyerno na gawing simple at epektibo ang tax system upang makapangolekta ng maayos, mapondohan ang mga proyekto ng gobyerno at mabawasan ang antas ng kahirapan.
Kaugnay nito, hindi umano napapanahon ang ipinalabas na memorandum ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpapataw ng widtholding tax sa mga fringe benefits ng mga kawani ng gobyerno.
Ito’y ayon kay Senate Committee on Finance Francis Escudero dahil sa hindi na nga tinaasan ang sahod ng mga manggagawa ng pamahalaan, matatapyasan pa ang kanilang mga benepisyo tulad ng mga bonus dahil sa ipapataw na buwis.
Dahil dito, suportado ni Escudero ang ginawang pagdulog sa Korte Suprema ng mga kawani ng pamahalaan kahit pa sinabi na ni BIR Commissioner Kim Henares na matagal nang nakasaad sa Internal Revenue Code ang panuntunan. Johnny F. Arasga