TODAS ang dalawang lalaki sa naganap na pamamaril sa Jose Lim Street, Mother Barangay Bagua sa Cotabato City kagabi.
Nagtamo ng multiple gunshot wounds ang mga biktimang sina Ediniel Gepte at Norodin Piang na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Kinumpirma ni Deputy Chief of Police Insp. John Minidel Calinga na ‘personal grudge’ ang dahilan kaya pinagbabaril ng ilang beses ang mga biktima.
Samantala, sugatan naman sa insidente ang dalawang pedestrian na sina Badria Kayao at Kalima Marohomsalik.
Hinala naman ng pulisya na maaaring hindi lamang nag-iisa ang bumaril sa mga biktima dahil sa rami ng basyong narekober sa naturang lugar mula sa magkakaibang kalibre ng baril.Kabilang sa narekober ay ang 28 basyo ng M-16 rifle, MK-47 at M-14.
Narekober naman ang isang kalibre .45 na baril mula sa isa sa mga biktima.
Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente. Marjorie Dacoro