KINONDENA ng Malakanyang ang sinapit ng isang Filipina nurse na dinukot at hinalay ng armadong kalalakihan sa Tripoli, Libya.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, hindi na ligtas ang mga Pinoy sa naturang lugar kaya dapat ng umuwi ang mga ito upang makaiwas sa kaguluhan.
Umapela naman si Coloma sa mga OFW sa Libya na makipag-ugnayan sa quick response team ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang mapabilis ang kanilang repatriation.
Papasok na sana sa trabaho ang Pinay nurse nang matiyempuhan ng mga armadong lalaki at matapos dukutin at pagsamantalahan ay pinalaya makalipas ang dalawang oras.
Sa kasalukuyan hawak na ng Philippine Embassy sa Libya ang Pinay nurse na dinukot at hinalay sa Tripoli, Libya.
Ipinabatid ni DFA Spokesman Charles Jose na dinala na ng embahada sa ospital ang biktima at isinailalim na sa medical check-up.
Ayon sa DFA, Miyerkules ng umaga, oras sa Tripoli nang dukutin ang Pinay ng mga kabataang Libyan sa harap ng tinitirhan nito bago dinala sa hindi pa malamang lugar.
Pinakawalan din ang biktima makalipas ang dalawang oras matapos dukutin at gahasain ng anim na suspek. Johnny F. Arasga