NABIYAK ang bungo ng isang batang lalaki nang mabagsakan ng malaking bato habang ngunguha ng aratilis sa Ilocos Sur kaninang umaga, Hulyo 22.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong pinsala sa ulo ang biktimang si Joseph Aquino III, 10, grade 3 pupil ng Barbar Elementary School at residente ng Barangay Barbar, San juan, Ilocos Sur.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 6:25 ng umaga, Hulyo 22, sa isang puno ng aratilis sa nasabing barangay.
Ayon kay San Juan Chief of Police, Police Senior Inspector Edgardo Medrano, bago pumasok sa eskuwelahan ay namitas muna umano ng mga bunga ng aratilis ang biktima at ang kanyang dalawang kaeskuwela.
Pero dahil pawang hindi marunong umakyat ng puno, tumuntong ang tatlo sa isang malaking bato na nakabaon sa lupa para maabot ang mga bunga.
Sa kasamaang-palad, bumigay ang bato na may bigat na 500 kilo at sabay-sabay na nahulog sa lupa ang tatlong magkakaibigan.
Matapos mahulog, nabagsakan pa ng naturang bato ang ulo ni Aquino habang ang dalawang kasamahan nito ay nagtamo lamang ng gasgas sa katawan. Robert C. Ticzon