IBINABA ng isang grupong rice retailers ang presyo ng ibinibentang bigas sa P3 kada kilo sa lugar ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) nitong nakaraang Linggo.
Sa pahayag ng Grecon Grains Confederation-Camanava chapter, ito ay bilang pagtugon sa panawagan ng National Food Authority na manguna ang mga rice retailers sa pagpapanumbalik sa normal na presyo sa mga commercial rice.
Ang P3 na pagbababa ay hiwalay pa sa naunang P1 itinapyas ng mga rice retailers noong nakaraang linggo.
Inaasahan na ang dating bigas na nasa P40-P45 kada kilo ay mabibili na lamang sa P37 kada kilo ngayon sa CAMANAVA.
Bukod dito, nangako rin ang Grecon-Camanava na hindi mapupunta sa mga hoarder ang NFA rice allocations para sa mga retailer at ididiretso sa mga pamilihan para mapakinabangan ng mga mahihirap na mamimili.
Ito’y makaraang kasamang salakayin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at NFA ang isang bodega sa Bagbaguin sa Valenzuela City na iligal na nag-iimbak ng daan-daang sako ng NFA rice.
Nasa 18 bodega ang sinalakay sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan at nakarekober ng 170,000 sako ng bigas na pinipigil ng mga hoarders na ibenta sa mga pamilihan sanhi ng artipisyal na pagtataas sa presyo.
The post Presyo ng bigas sa CAMANAVA, bumaba ng P3 kada kilo appeared first on Remate.