IGINIIT ng lider ng Senado na hindi na kailangan ang batas laban sa pork barrel dahil mismong ang Supreme Court (SC) na ang nagdeklara na labag sa Saligang Batas o ‘unconstitutional’ ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala bilang pork barrel.
Reaksyon ito ni Sen. Franklin Drilon sa isusulong na batas para tuluyang alisin ang pork barrel system sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Dahil dito, sinabi ng senador na hindi na maaaring ibalik sa 2015 o sa mga susunod na taon ang PDAF dahil sa pinal na ruling laban dito ng SC.
Nilinaw din nito na tuluyan nang ibinasura ang PDAF sa 2014 Senate budget.
Inilunsad ng isang grupo ang signature campaign laban sa pork barrel at nakatakdang ihain sa Senado upang himukin ang mga mambabatas na bumalangkas ng batas laban sa PDAF.
Ito’y upang matiyak na hindi na maisisingit ng mga mambabatas ang pork barrel sa national budget sa mga susunod na taon.
The post Batas para sa PDAF ‘di na kailangan — Drilon appeared first on Remate.