KINUWESTYON ni BUHAY Partylist Rep. Lito Atienza ang Department of Social Welfare and Development kung saan napupunta ang bilyones na pondo para sa mga mahihirap dahil sa patuloy na pagdami ng mga pulubi sa kalye.
Kinalampag ni Atienza si DSWD Secretary Dinky Soliman kung saan dinadala ang naidagdag pang P63 bilyon sa pondo ng ahensya ngunit bakit hindi man lamang sumayad sa palad ng mga nanlilimos sa kalye.
Imbes aniyang makatulong ang malaking pondo ng DSWD ay tila lalo pang dumarami ang naghihirap at ang mga palaboy at pulubi na walang masilungan at nagkalat sa iba’t ibang parte ng Kamaynilaan.
Ani Atienza, pagpapaliwanagin nila ng husto si Soliman sa susunod na budget hearing dahil tiyak na hihirit na naman ito ng dagdag na pondo na inaasahang lalagpas pa sa P63B.
Kuwestyon din ngayon ng kongresista ay katanggap-tanggap pa bang ipagkatiwala sa opisina ng DSWD ang bilyun-bilyong pisong pondo.
Kailangan aniyang magkaloob ng tulong si Soliman sa mga mahihirap gaya ng pangkabuhayan o paglaanan ng mga proyektong aagapay para unti-unting makabangon sa miserableng kalagayan.
Umaasa si Atienza na ipaliliwanag ni Soliman ang mga naturang usapin kahit pa nakumpirma na ng Commission on Appointments (CA) nitong Hunyo 11 ang ad interim appoinments ng kalihim.
The post Soliman sinisi sa pagdami ng pulubi at palaboy appeared first on Remate.