HINDI na nakaligtas sa kamatayan ang isang lolo nang magbigti makaraang makaligtas sa paglalaslas ng pulso nang makatalo ang kanyang mag-ina sa Caloocan City Huwebes ng gabi, Hunyo 12.
Patay na nang makita ng kanyang mag-ina ang biktimang si Agustin Guillermo, 61, ng Raparo St., nasabing lungsod.
Sa pahayag ng asawa ng biktima na si Aida, alas-9:30 ng gabi, nasa ikalawang palapag sila ng anak na si Maria Genoveve nang makarinig ng kalabog sa unang palapag na naging dahilan upang silipin hanggang makitang nakabigti ang nasawi ng nylon cord.
Humingi ng tulong si Aida sa mga kapitbahay upang makalag sa pagkakabigti ang asawa subalit nang magdatingan ay wala ng buhay ang nasawi na naging dahilan upang itawag sa mga pulis.
Nakakuha ng suicide note ang mga pulis na may nakasaad na “Walang mananagot sa ginawa ko, Sarili kong kagustuhan, Walang pakialam ang pamilya ko, Paalam Fred”.
Nabatid na bago ang pagbibigti ay naglaslas ng pulso ang biktima sa pamamagitan ng kutsilyo subalit naagapan nang makita ng anak kung saan inaalam na ng mga pulis ang dahilan upang magpakamatay ang nasawi at kung sino ang Fred na tinutukoy nito.
The post Lolo na nakaligtas sa paglaslas, natuluyan sa bigti appeared first on Remate.