NAGSAGAWA ng isang vigil ang mga tagasuporta ni Sen. Bong Revilla kagabi hanggang kaninang madaling-araw, matapos itong kasuhan ng non-bailable na plunder dahil sa pork barrel fund scam.
Magugunitang maliban kay Revilla ay kinasuhan din sina Senate Minority leader Juan Ponce Enrile at Sen. Jingoy Estrada, kasama ang kanilang mga staff.
Para sa pamilya Revilla, hayagang panggigipit ito sa kanilang panig na bunga ng maagang pamumulitika.
Hindi naman nakarating ang senador sa programa dahil nakipagpulong umano ito sa kanyang legal team para sa magiging tugon sa aksyon ng Ombudsman.
Muli namang tiniyak ng Revilla camp na hindi ito tatakas at haharapin ang pag-aresto.
Ayon kay Cavite Rep. Lani Mercado, pinagpipilian na kung kusang magtutungo ang senador sa mga awtoridad o hihintayin na lang nito ang mga huhuli sa kanya.
Sa Lunes ay nakatakdang magbigay ng talumpati sa Senado si Revilla ngunit hindi na idinetalye ang magiging laman nito.
Kasabay nito, todo paghahanda rin sina Enrile at Estrada para hadlangan ang napipintong pag-aresto sa kanila dahil sa non-bailable case.
Pero para sa prosekusyon, matibay ang kanilang mga ebidensya laban sa mambabatas dahil suportado ng mga dokumento ang mga alegasyong nagkamal ito ng milyon-milyong kickback sa pork barrel scam.
Posibleng masuspinde ng 90 araw ang mga senador na sangkot sa pork barrel case kapag naglabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, layunin nitong mabigyan-daan ang proseso ng batas.
Muli namang hinimok ni Drilon ang Sandiganbayan at mga posibleng magsasagawa ng pag-aresto sa mga kasamahan niyang mambabatas na maging mahinahon at igalang ang kinabibilangang kapulungan ng naturang mga personalidad.
Naniniwala rin siyang tutuparin ng tatlo ang nauna nilang pangakong hindi nila tatakasan ang kasong inaakusa ng prosekusyon.
The post Revilla supporters, nag-vigil sa kanilang bahay appeared first on Remate.