TILA lalo pang tumitindi ang hidwaan sa pagitan nina Manila Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno matapos na ipagtanggol pa ng alkalde ang mga pulis-Maynila na umaresto sa bise alkalde at ang limang konsehal ng ikatlong Distrito ng lungsod.
Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District Station 3 sina Moreno at Councilors Re Fugoso, Jong Isip, Yul Servo, Joel Chua, at Let Let Zarcal, na tumatakbo sa ilalim ng partido ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP), sa Tambunting St.,Sta.Cruz, Maynila dahil sa pagsasagawa ng iligal na bingo, ng walang kaukulang permit.
Ayon kay Lim ‘No one is above the law’, at kahit pa mga konsehal ay maaaring arestuhin sakaling lumabag sa batas.
“Eh kung akala niya na konsehal sila eh above the law sila, syempre ‘pag lumabag ka sa batas, aaksyunan ng pulis. Unang una ‘yung sugal bawal ‘yun eh, kaya dapat bigyan ng komendasyon ‘yung mga pulis na ginampanan ang kanilang tungkulin,” ani Lim.
Kaugnay nito, itinanggi naman ni Lim na may halong pulitika ang pagkakaaresto kay Moreno ay kasama nito taliwas na rin sa ibinibintang ng bise alkalde.
Sinabi ni P/Supt. Ricardo Layug, hepe ng MPD-Sttaion 3, kakasuhan ng illegal Gambling at obstruction ang grupo ni Moreno.
Nagbanta naman ang kampo ni Moreno na kakasuhan ang mga pulis dahil sa umano’y ilegal na pag-aresto sa kanila.