NANAWAGAN si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe sa Senado na huwag nang buksan ang imbestigasyon sa pork barrel scam at ipaubaya na lamang ito sa Department of Justice at sa Ombudsman.
Ayon pa rito, labis na nalilito ang publiko sa usaping ito dahil sa dami ng mga kumakanta dito na aniya’y may nagpi-first voice, second voice kaya minsan ay nagsisintunado na ang tono.
Giit pa ni Batocabe, kung sasawsaw pa muli ang Senado ngayong nalalapit na ang pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan ay baka aniya lalong magsintunado ito.
Sinabi ni Batocabe na kung may maglabasang bagong mga impormasyon ay mas mabuting hayaan ang DoJ at Ombudsman na magtrabaho dito.
Ang mandato naman aniya ng Kongreso ay in aid of legislation at sapat na ang ginawang pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee para malaman kung anong mga panukala ang kailangang isulong para hindi na maulit ang pork barrel scam.
Kasabay nito, pinalagan ni Batocabe ang pahayag ng kanyang kasamang mambabatas na si Kalinga Rep. Manuel Agyao na ang mga proyekto aniyang ginugulan ng pork barrel ay puno ng problema.
“This is not entirely accurate since we were given guidelines by the DBM on what project to choose in connection with our PDAF. As such, you may or may not course it thru NGOs,” ani Batocabe.
Binigyan-diin pa ni Batocabe na hindi dapat sisihin ang mga kongresista dahil pinapayagan naman aniya ito ng ipinatutupad na guidelines.
“If you already carry the badge of irregularity as a result of the Napoles scandal, this is quite unfortunate since there are a lot of legitimate NGOs funded by PDAF which had projects that benefited constituents of lawmakers. It is a damn if you do, damn if you don’t situation,” sinabi pa ni Batocabe.
Sinuportahan naman ito ni Antipolo Rep. Reynaldo Acop at CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna sa pagsasabing walang basehan ang pahayag ni Agyao.
The post Imbestigasyon sa PDAF scam, huwag nang buksan — Solon appeared first on Remate.