NAKATAKDANG isailalim sa biopsy procedure ang tinaguriang “Pork Barrel Scam Queen”, Janet Lim-Napoles bago isagawa ang operasyon hinggil sa pagtanggal ng tumubong “cyst” sa kanyang matris sa Ospital ng Makati (OsMak).
Sa press briefing sa OsMak, sinabi ni Dr. Florentina Villanueva, head ng OB-Gyn Department, kailangan munang isagawa ang biopsy kay Napoles upang kuhanan ng sample ng cell at tissue na susuriin upang mabatid kung ito ay cancerous o hindi kaugnay na rin sa nakitang bukol sa matris ng ginang.
Nilinaw din ni Villanueva na tapos na silang makipagpulong sa pitong doctor na napili ni Napoles na nagmula pa sa St. Lukes Medical Center at may clearance na umano ito upang isagawa ang naturang proseso.
Ayon pa kay Villanueva, tatagal ng halos tatlong araw bago lumabas ang resulta sa isasagawang biopsy kay Napoles kung saan dito pa lamang malalaman kung ang bukol na tumubo sa matris nito ay cancerous o hindi.
Ang pagsasagawa ng biopsy sa isang pasyente ay tatagal lamang ng 10 hanggang 15 minuto.
Napag-alaman pa kay Villanueva na patutulugin si Napoles bago isagawa ang biopsy upang hindi maramdaman ang sakit habang ang mga doktor at mga nakatalagang nurses lamang ang maaaring manatili sa loob ng operating room sa oras na isagawa na ito.
Samantala, tiniyak naman ni Villanueva na agad silang magpapalabas ng medical bulletin upang ihayag ang mga susunod pang gagawing proseso hinggil sa gagawing operasyon kay Napoles.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Dr. Perry Peralta, director ng nasabing pagamutan, na sa ngayon ay normal ang lahat ng vital signs ni Napoles.
Hindi na umano ito katulad ng mga nagdaang araw kung saan hindi natuloy ang ilang procedure kay Napoles dahil sa pagtaas ng blood sugar at blood pressure level nito.
The post Napoles isasailalim sa biopsy procedure appeared first on Remate.