HARANGAN man ng sibat, ipatutupad na ng ilang transport group ang P0.50 dagdag-pasahe sa jeep sa Lunes, Marso 31.
Ito ay sa kabila ng pagbasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa naturang hirit ng tropang transportasyon.
Giit ng grupo ng mga operator at tsuper, mapipigilan lang sila kung may ilalabas na fare matrix ang ahensya na nagsasabing P8 lamang ang minimum na pasahe sa jeep.
Nitong Biyernes, ipinakansela naman ng transport sector ang pagdinig sa LTFRB para sa kanilang petisyon na gawing P10 ang minimum na pasahe sa jeepney.
Ito’y dahil tinanggihan nina LTFRB Chairman Winston Ginez, Atty. Roberto Cabrera at Atty. Ronaldo Corpus ang petisyong mag-inhibit.
Ayon sa mga transport group, hindi pinakikinggan ng mga regulator ang kanilang mga hinaing.
Dahil dito, pinagbibitiw ng Alliance of Concerned Transport Organizations si Ginez dahil sa hindi anila nito pagtugon sa pangangailangan ng mga driver.
Giit naman ng LTFRB, noong 2012 pa sila naglabas ng bagong taripa ngunit hindi ito alam ng mga driver at operators.
Sa Abril 11 naman nakatakdang magdesisyon ang LTFRB sa hirit na dagdag-pasahe.
The post P0.50 fare hike sa dyip, ipatutupad sa Lunes appeared first on Remate.