NAARESTO sa isinagawang follow-up operation ng Taguig City police ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang ginang at sa apat na taong gulang nitong anak na babae sa Taguig City.
Iprinisinta ni Taguig City police Chief S/Supt. Arthur Felix Asis kay Taguig City Mayor Lani Cayetano ang suspek na si Danny Bellono, 45, ng 7 Mini Park, Fort Bonifacio.
Nabatid sa pulisya na selos ang nakikita nilang dahilan sa naganap na pamamaslang sa mag-inang Jonalyn, 27 at Gwen Angel Gantiao na natagpuang wala ng buhay sa isang bakanteng lote malapit sa Treston International College sa southbound lane ng C-5 Road, Fort Bonifacio Global City, alas-6 ng umaga kahapon.
Sa imbestigasyon, bago naganap ang krimen ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang ginang at ang suspek makaraang madiskubre ng lalaki sa loob ng handbag ng ka-live-in ang isang sabon na may tatak ng pangalan ng isang motel.
May nabasa pa umano ang suspek na mga makahulugang mensahe ng pagmamahal na ipinadala ng hindi pa kilalang lalaki sa ginang na isa rin sa ugat ng kanilang bangayan.
Upang matapos na ang batuhan ng maiinit na salita sa pagitan ng biktima at suspek, lumabas ng bahay ang ginang subalit sinundan siya ng k-live-in hanggang magpang-abot sila sa lugar kung saan naganap ang pagpatay.
Ayon sa suspek, ang ginang ang unang dumampot ng bato na ipinukol sa kanya kaya’t napilitan siyang gumanti nang makadampot ng malaking tipak na bato.
Umawat sa pag-aaway ang anak ng ginang kaya’t nahataw din ng bato sa ulo ng suspek ang bata na naging sanhi ng kamatayan nito.
Napag-alaman na dalawang taon nang nagsasama ang suspek at ang ginang na may isang anak sa unang naging asawa.
Nahuli ang suspek sa loob ng kanilang tirahan makaraang lumutang ang isang testigo na nakakita sa pag-aaway ng dalawa alas-10 ng gabi noong Miyerkules.
The post UPDATE: Mag-ina pinatay sa palo ng bato dahil sa selos appeared first on Remate.