NAKATAKDANG maghatakan pababa ang National University Lady Bulldogs at Ateneo Lady Eagles dahil isang mali ay paniguradong matitikwas sa nagaganap na stepladder semifinals ng 76th UAAP women’s volleyball tournament.
Rubber match ang labanan ng Lady Bulldogs at Lady Eagles na magsisimula bukas, alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum
Nakahirit ng do-or-die ang Ateneo matapos manalo noong Miyerkules sa NU, 25-17, 12-25, 31-29, 28-26 na ginanap sa The Arena San Juan.
Ang magwawagi sa pagitan ng NU at Ateneo ang hahamon sa naghihintay na defending champions La Salle Lady Spikers na dumiretso agad sa Finals matapos walisin ang 14-game eliminations round.
Dadalhin ng Lady Spikers ang thrice-to-beat advantage sa Finals kaya naman malaki ang tsansa nilang iuwi ang titulo.
Nagawang pantayan ni league-top scorer Alyssa Valdez ang kanyang season-high 29 hits subalit si libero Denden Lazaro ang may malaking naitulong sa Ateneo para humaba ang kanilang buhay.
Balikatan ang labanan ng Ateneo at NU sa third stanza kung saan ay lumabas ang tikas ni Lazaro.
Nakapagtala si Lazaro ng 13 digs at pitong receptions habang si Ella de Jesus na tinanghal na best player of the game ay may 16 hits at tatlong service winners.
Sa panalo ng Ateneo ay napalundag ng todo sa tuwa ang coach ng Ateneo na si Anusorn Bundit na isang Thailander.
Samantala, alas-dos naman ng hapon uumpisahan ang men’s finals sa pagitan ng defending champions NU Bulldogs at Ateneo Blue Eagles.
Bago sumampa ang NU at Ateneo sa finals, pinagpag muna nila ang Adamson Falcons at Far Eastern University Tamaraws sa semis ayon sa pagkakasunod.
The post NU, Ateneo matira ang matibay bukas appeared first on Remate.