MULING iginiit ng mga jeepney operator na madagdagan ng P2 ang minimum na pasahe sa lalong madaling panahon.
Ayon sa mga grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP); Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP); Liga ng Transportasyon at Opereytors sa Pilipinas (LTOP), at Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO), P10 ang dapat na bayad sa unang apat na kilometro at P1.75 naman ang dagdag sa bawat susunod na kilometro sa halip na P1.40.
Matatandaang nagsumite na ang petisyon ang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong December 9, 2013 isang araw matapos aprubahan ang dagdag singil sa LRT-MRT (Light and Metro Rail Transits).
Ayon sa grupo, hindi na puwede ang P8 minimum fare dahil sa sobrang taas ng presyo ng diesel, spare parts at sobrang sikip ng trapiko.
Mahigit P200 ang nawawala sa kanilang kita bawat araw, hindi pa kasama ang mga aktibidades ng “kotong.”
Sa Lunes, February 24, muling magsasampa ng petisyon ang grupo kasabay ng selebrasyon ng People Power, sa LTFRB Central Office.
Ayon sa grupo, kahit utay-utay na fare increase ay payag na sila mabawi lamang ang lugi nila sa pasada.
Inirerekomenda ng grupo na pansamantalang magkaroon ng 50 -centavo provisional increase habang hindi pa tapos ang deliberasyon ng gobyerno sa petisyon.
Nagbanta pa ang grupo na kung hindi sila pagbibigyan ay mapipilitan silang magsagawa ng sunud-sunod na rally upang iparamdam ang kanilang ‘disappointment.’
Matatandaang mismong si Pres. Benigno S. Aquino III ang nagsabing dapat taasan ang singil sa LRT at MRT.
Ayon sa grupo ng mga driver, kung pinayagan ng gobyernong magtaas ng singil ang LRT at MRT, patas lamang na magtaas din sila ng singil sa pasahe.
The post P2 jeepney fare hike muling iginiit appeared first on Remate.