ILANG Obispo ng US Conference of the Catholic Bishops (USCCB) ang nakatakdang bumisita sa mga Yolanda survivors ngayong linggong ito matapos ang pagbisita sa bansa ni Vatican official Cardinal Robert Sarah sa Leyte noong Pebrero 28.
Ang mga Obispo ng USCCB ay pangungunahan ng pangulo nitong si Louisville Archbishop Joseph Kurtz at mga opisyal ng Catholic Relief Services (CRS) na sina CRS Chairman of the Board at Oklahoma Archbishop Paul Coakley, Sr. Carol Keehan, DC, Presidente ng Catholic Health Association, at Carolyn Woo, Presidente at CEO ng CRS.
Batay sa artikulong inilabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), bibisita ang mga Obispo sa Eastern Samar at Leyte sa susunod na linggo upang personal na makita ang recovery efforts matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda.
Inaasahang mananatili ang delegasyon sa bansa mula Pebrero 2 hanggang 7.
Nabatid na layunin nang pagbisita sa mga survivor ng Yolanda na ipaalam sa mga ito na ang Simbahang Katoliko sa Estados Unidos ay handa ring tumulong sa kanila.
Sa Estados Unidos, nasa mahigit apat na milyon ang populasyon ng mga Pinoy, kaya naman sila ang itinuturing na ikalawang pinakamalaking Asian-American community roon.
Una ng nag-pledge ng P2.2 bilyon ang international humanitarian arm ng Catholic community sa Estados Unidos para sa recovery ng mga sinalanta ng Yolanda.
Target naman ng CRS na mabigyan ng ayuda ang 100,000 pamilya o 500,000 katao na magkaroon ng masisilungan, living supplies, tubig, sanitation, at livelihood.
Matatandaan na una naring kinumpirma ni Cardinal Sarah, Presidente ng Pontifical Council Cor Unum, nang bumisita ito sa Tacloban City noong Enero 28 na nais ding bumisita ni Pope Francis sa Leyte.
The post US bishops, bibisita sa bansa appeared first on Remate.