DUMULOG na ang kampo ng actor/TV host na si Vhong Navarro sa Philippine National Police (PNP) dahil patuloy ang kanyang pagtanggap ng banta sa buhay kahit sa pamamagitan lamang ng text messages.
Nagtungo kaninang umaga ang abugado ni Navarro na si Atty. Dennis Manalo at ang manager nito na si Chito Roño sa Camp Crame para makipag-usap sa PNP para hilingin kay Police Deputy Director General Leonardo Espina na tanggalan ng lisensya ang baril ni Cedric Lee.
Tiniyak naman ni Espina na rerebyuhin nila ang mga dokumento ng nasabing negosyante.
Pero sa nakuhang impormasyon, mayroong nakarehistro sa Firearms and Explosives Office (FEO) ng PNP na dalawang baril na pag-aari ni Lee, ang Taurus at Glock 9mm.
Kasabay nito, ipinaabot din ng panig ni Vhong sa PNP ang patuloy na pagtanggap ng death threats nito.
Dahil dito, inalok na mismo ni Interior Sec. Mar Roxas at ng PNP ang dagdag na security escort para matiyak ang seguridad ni Vhong at ng pamilya nito.
Ipinarating din ng abogado ng aktor sa PNP kung talaga bang sumusunod sa rules and regulations ng PNP ang security agency na nagbabantay sa Forbeswoods Condominium sa Taguig City na pinangyarihan ng pambubugbog kay Navarro.
Samantala, hiniling din nila na dagdagan ang police visibility sa bahay ng aktor para maprotektahan naman ang kanyang pamilya at mga anak.
The post Lisensiya ng boga ni Cedric Lee, ipinare-revoke appeared first on Remate.